Naaresto na ng mga awtoridad ang babaeng suspek sa brutal na pagpatay sa babaeng driver na si Jang Lucero sa Calamba, Laguna.

Sa impormasyon na ibinigay ng Calabarzon police nitong Martes, kinilala ang suspek na si Ann Sheila Montes Belarmino.

Si Belarmino umano ang babae na nakuhanan sa CCTV na isinakay ni Lucero, kasama ang dalawa pang lalaki, para ihatid sa Maynila mula sa Laguna.

Sa naunang ulat, nakita sa CCTV na umupo sa tabi ni Lucero sa harapan ang babaeng pasahero, habang sa likod naman ng kotse sumakay ang dalawang lalaki.

READ: 3 pasahero ng babaeng driver na tinadtad ng saksak sa Laguna, nakuhanan ng CCTV

 

Nadakip umano si Belarmino noong July 3, at nahaharap sa kasong murder na walang inilaang piyansa.

Patuloy umano ang isinasagawang operasyon ng mga awtoridad para madakip pa ang nasa lima pang suspek.

Matatandaan na nakita ang bangkay ni Lucero noong June 28,  sa loob ng kaniyang sasakyan na nakaparada sa Bypass Road sa Calamba.

Nagtamo siya ng 52 saksak at may bali rin ang isa niyang braso.

Inilibing si Lucero nitong Lunes, July 6. —FRJ, GMA News