Isang motorsiklo na tumigil sa isang intersection dahil sa isang AUV na nakatigil naman sa kaniyang harapan ang naipit nang biglang may sumulpot na truck mula sa kaniyang likuran sa Barangay San Isidro sa Taytay, Rizal.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV ang pagtigil ng rider upang hayaan na makausad ang AUV na nasa kaniyang harapan.
Pero hindi pa man umaandar ang AUV, biglang sumulpot sa likuran ng motorsiklo ang isang truck na hindi kaagad tumigil hanggang sa mabangga niya ang rider at naipit sa AUV na nasa kaniyang harapan.
Sa kabila ng nangyari, masuwerteng nakaligtas ang rider na nagtamo lang ng minor injuries.
Hindi na rin umano nagsampa ng inireklamo ang rider laban sa driver ng truck.
Sa Barangay Tambler sa General Santos City, nahuli-cam naman ang pag-araro ng isang mini dump truck sa dalawang bahay at isang tindahan na nasa sa gilid ng highway.
Isang lalaki ang naipit sa ilalim ng truck pero nakaligtas at dinala sa opistal.
Ayon driver ng truck na si Manuel Esma Jr.,may iniwasan daw siyang motorsiklo kaya nawalan siya ng kontrol sa sasakyan at napunta sa kabilang bahagi ng highway.
Aminado rin siya na nakainom umano pero kaunti lang.
Sasagutin daw niya ang gastusin sa kaniyang mga napinsala.
Sa bayan naman ng Alcala sa Pangasinan, patay ang isang driver ng tricycle at ang pasahero nito nang salpuking sila ng kasalubong na truck na nawalan umano ng preno.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck at nahagip ang kasalubong na tricycle, bago tumagilid ang sasakyan sa isang kubo na nasa gilid ng kalsada.
Isang barangay tanod ang nasaktan sa naturang aksidente na nagpapahinga noon sa kubo.
Mahaharap sa patung-patong na reklamo ang driver ng truck.--FRJ, GMA News
