Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga panindang tinapa ng isang negosyante sa public market ng Asingan, Pangasinan matapos na may magreklamo na may uod ang produkto.

Sa ulat ni CJ Torida ng RGMA-Balitang Amianan, napag-alaman na maging ang alkalde ng Asingan ay suki rin umano sa naturang tindahan na inirereklamo ang mga tinapa.

"Yung nakabili nung kaniyang isaing na, iprito na [yung tinapa], naglabasan yung maliliit na uod. Pero itong nagbebenta ng tinapa ako rin isang suki niya so marami sa amin ang bumibili sa kaniya," ayon kay Asingan mayor Carlos Lopes Jr.

Nang inspeksyunin ng mga tauhan ng market division ang tindahan, nakumpirma na may uod ang mga tinapa na sinasabing lumang stock na umano.

Aabot sa P6,000 ang halaga ng tinapa na kinumpiska at kaagad na ibinaon sa lupa dahil hindi na umano puwede pang kainin.

Hinanap naman ang nagosyante ng mga tinapa pero wala siya palengke para makunan ng pahayag.

Babala ng lokal na pamahalaan, kakanselahin na ang permit ng negosyante kapag naulit pa ang insidente.--FRJ, GMA News