Pinagsasampal umano ng tsinelas ng isang barangay chairman ang dalawang binatilyo sa San Pablo City sa Laguna nang mahuli ang mga ito na lumabag sa quarantine protocols.

Sa ulat ng 24-Oras, sinabing nangyari ang insiddente sa Barangay San Crispin sa San Pablo City.

Nahuli umano ni kap na walang suot na face mask ang dalawang binatilyo --kapwa 15-anyos --sa labas ng bahay dakong alas-siete ng gabi noong July 18.

ADVERTISEMENT

Bakas pa ang mga latay sa leeg at muka sa dalawang biktima ang umano'y pananakit ni chairman Abner Dionglay.

Hindi lang mga sampal ang tinamo nila kundi mga banta rin sa kanilang buhay, pahayag ng dalawa sa panayam ng GMA News.

Ipinadala pa umano ni Dionglay sa police station ang dalawa, pero pinauwi rin.

Nagalit ang isa sa mga nanay ng dalawang binatilyo sa sinapit ng kanyang anak, lalupa't nalaman niyang nasa impluwensya pa umano ng alak ang opisyal nang gawin ang pananakit.

Pormal nang nagsampa ng reklamo ang mga pamilya ng mga biktima.

Sinubukan ng GMA News na kunin ang panig ni Dionglay ngunit tumanggi ito at sinabing magpapahatid na lamang siya ng mensahe kapag natanggap na niya ang reklamo laban sa kanya. —LBG, GMA News