Arestado ang isang lalaki dahil sa pauli-ulit umanong panghahalay sa kaniyang pamangkin na 10-taong-gulang sa Laguna. Ang suspek, nakitira lang sa bahay ng pamilya ng biktima nang magkaroon ng lockdown.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi ng mga awtoridad na halos araw-araw ginagahasa ng suspek ang kaniyang pamangkin bago nabisto ang kahalayang ginagawa sa bata.

Ang suspek, napag-alaman na nakituloy lang sa bahay ng pamilya ng biktima sa Majayjay, Laguna nang ipatupad ang enhanced community quarantine.

“Nung lockdown, nang pinatira sa bahay niya yung suspek, sa tuwing ‘yung magulang ay pupunta sa bukid para magsaka, ‘yung nanay at tatay, naiiwan itong biktima pati ‘yung suspek,” ayon kay Police Captain CJ Talampas, hepe ng Majayjay Police Station.

“Doon nakakakuha ng pagkakataon ‘yung suspek na galawin ‘yung biktima sa CR, sa kuwarto, o kaya sa sagingan," ayon sa opisyal.

Bukod sa panghahalay sa biktima, tinatakot at inutusan pa umano ng suspek ang 12-anyos na ate ng biktima para kunan ng video ang kaniyang ginagawang kahalayan.

“Tinatakot din niya kasi ‘yung ate na isusumbong sa magulang kasi may ginawang kasalanan ‘yung ate. Kaya ang ginawa ng suspek, siya ang ginawang taga video para sa kalahayan na kaniyang ginagawa,” ayon kay Talampas.

Nagtangka pang tumakas ang suspek nang mabisto na ang kaniyang krimen pero nahuli pa rin siya ng mga awtoridad.

Inamin naman ng suspek ang krimen at humingi ng tawad sa kaniyang ginawa.

"Inaway po ako ng lasing tapos nakanood po ako ng porn. Sana po mapawatad niyo po ako. Kahit buong buhay ko, kahit gawing alila niyo po ako, lahat gagawin ko po mapatawad niyo lang po ako,” anang suspek, na sinampahan na ng reklamong 22 counts of rape.

Dahil  sa insidente, pinayuhan ni Police Colonel Serafin Petalio II, Police Provincial Director ng Laguna, ang mga magulang na bantayan ang mga anak kahit nasa loob ng bahay. -- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News