Na-hulicam ang pagnanakaw ng traffic cone kamakailan ng isang lalaki sa San Pablo City, Laguna.

Nangyari ang pagnanakaw sa harap ng isang convenience store, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV na ibinahagi ni Raymond Balleras Reynaldo, makikitang nagmasid-masid muna ang lalaki na nakatayo sa harap ng isang van kung may mga tao sa paligid niya.

Maya-maya ay binuksan nito ang pinto ng van at inilagay ang traffic cone sa loob.

Binatikos naman ng mga netizen ang nasabing pagnanakaw.

Apela ng uploader ng video sa lalaki, isauli na lang ang traffic cone. —KG, GMA News