Isang lalaki na armado umano ng patalim ang nasawi matapos siyang barilin ng kaniyang kapitbahay sa San Pablo City, Laguna.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing may hawak ng patalim si Rudy Torres nang sugurin niya ang kapitbahay na si Rolando Anibes.

ADVERTISEMENT

Nakuhanan ng CCTV ang pagdating ni Torres na umano'y lasing noon at kinompronta si Anibes.

Hindi nagtagal, makikita na sa CCTV ang pagbagsak ni Torres dahil binaril na umano ito ni Anibes ng tatlong ulit.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na tungkol umano sa utang ang naging ugat ng sigalot ng dalawa pero hindi binanggit kung sino sa kanila ang may utang.

Dinakip si Anibes na mahaharap sa kasong pagpatay at ilegal na pag-iingat ng baril.--FRJ, GMA News