Taong 2016 nang biglang naglaho na parang bula si Berong at walang makuhang impormasyon ang kaniyang mga kapatid kung nasaan siya. Hanggang sa isang araw, napanaginipan ng isang pamangkin ang biktima na malungkot habang nasa isang irigasyon.

Kuwento ni Mildred sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inakala ng iba nilang kaanak na naglayas si Berong kaya ito biglang umalis nang walang paalam.

Pero si Mildred, masama ang kutob na may masamang nangyari sa kaniyang kapatid lalo pa't hindi ito nagpaparamdam sa kanila at maging sa kaniyang mga kaibigan.

Hanggang sa panaginipan ng isang pamangkin si Berong na tila nagpaparamdam kung nasaan siya. Malungkot daw ang hitsura ng biktima sa panaginip habang nasa malapit na irigasyon.

Gayunman, hirap silang unawain ang indikasyon o pahiwatig sa panaginip kaya hindi pa rin natunton ang kinaroroonan ni Berong.

Hanggang sa isang araw, isang tao na may nalalaman sa nangyari kay Berong ang nagtapat kay Mildred sa sinapit na karumal-dumal na pagpatay sa biktima.

Itinago raw ang bangkay ng biktima sa isang balon na ginagamit sa irigasyon ng isang inabandonang palayan. At nang puntahan ito ng mga awtoridad, tumambad ang kalansay ni Berong.

Tunghayan sa video na ito ang buong detalye sa nangyaring krimen kay Berong at ang pagtukoy sa mga salarin. Panoorin.


--FRJ, GMA News