Inilagay sa lockdown ang dalawang sitio sa Barangay Bachaw Norte sa Kalibo, Aklan matapos magpositibo sa COVID-19 ang dalawang medical frontliner na residente roon, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.

Naka-quarantine na ang dalawang pasyente na pareho namang asymptomatic. Aabot naman sa 50 na nakasalamuha nila ang natunton sa pamamagitan ng contact tracing.

ADVERTISEMENT

Sa Molave, Zamboanga del Sur, naitala ang kauna-unahan nilang local transmission.

Ayon sa kanilang alkalde, dalawang magkapitbahay sa isang purok ang nagkahawaan. Naka-home quarantine na ang mga close contact nila at may isa ring dinala sa isolation facility.

Inilagay din sa lockdown ang tinitirhang purok ng mga pasyente hanggang September 27.

Samantala, dahil sa isang bisitang may COVID-19, mahigit 100 residente ang naka-strict home quarantine sa Makilala, North Cotabato.

Galing daw Kidapawan City ang bisita at inabisuhan itong magpa-home quarantine matapos magpa-swab test nitong September 2 pero hindi raw ito sinunod. KBK, GMA News