SAN ISIDRO, Northern Samar —Patay ang dalawang pulis na rumesponde sa impormasyong may nagbibiyahe ng illegal lumber sa isang bayan sa Northern Samar.

Batay sa inisyal na ulat ng mga pulis, ideneklarang dead on arrival ang mga biktima matapos makaengkwentro ang mga armadong salarin sa baybayin ng Barangay Buenavista sa bayan ng San Isidro.

Rumesponde ang dalawang pulis sa imposmasyong may ibinebiyaheng illegal na troso sa naturang barangay dakong alas-dies ng gabi nitong Sabado.

Sakay ng isang motorized banca, pinaputukan umano ng mga armadong maydala ng kahoy ang mga pulis.

Nagkaenkuwentro ang dalawang panig at pagkatapos ng ilang minutong palitan ng putok, natamaan ang dalawang pulis na kinilalang sina Patrolman Jessie  Golondrina y Casulla, 30; at Patrolman Fernando Velarde, 25.

Naisugod pa umano ang dalawa sa St. Camillus Hospital sa Calbayog City, ngunit idineklarang dead on arrival dakong 11:55 ng gabi ni  Dr. Gilbert Cabigon.

Agad namang isinagawa ang pursuit operation ng mga pulis. —LBG, GMA News