Iniimbestigahan ang isang crematorium sa Antipolo City sa Rizal dahil sa lumalabas na makapal at maitim na usok mula rito na nanggaling daw sa mga sinusunog na labi ng mga nasawi sa COVID-19 pati ang kanilang mga ginamit na unan at kumot sa ospital.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita ang paglabas ng usok mula sa tsimneya ng Heaven's Gate Memorial Parks and Chapels na nakunan ng video ng concerned citizen na si Jake.

"Akala ko kasi may nasusunog sa sobrang itim ng usok so gumilid ako sa kalye at tinignan ko, aba chimney. On that side I thought it was a factory or anything so kinunan ko lang ng video, just about 13 seconds of it. Pero pagsakay ko sa sasakyan at lumampas ako, nu'ng tumapat ako, hindi pala factory," sabi ni Jake.

Sinabi ng concerned citizen na nagmamalasakit lang siya para sa mga residenteng malapit sa naturang crematorium.

"Nu'ng nag-post ako may mga nag-PM sa akin na mga taga-roon at sinabi na tuloy-tuloy daw 'yon at 'yun din ang nagiging problema nila. Naramdaman ko 'yung hirap ng mga nandu'n sa tabi," sabi ni Jake.

Sinabi ng mga residente na bagama't wala silang naaamoy, napapansin nila ang maitim na usok halos araw-araw.

"Nireklamo na rin ng mga tao pero walang nangyayari. Kaya ang tao parang 'wala lang,' kasi magreklamo ka baka ikaw pa ang pagalitan," sabi ni Edith Mayores, residente.

Dahil dito, biglaang ininspeksiyon ng Environment and Waste Management Office ng Antipolo City ang Heaven's Gate Memorial Parks and Chapels, kung saan may nakitang paglabag hinggil sa ordinansa laban sa polusyon.

Sinabi ni Engineer Violeta Sabulao-Faiyaz, pinuno ng City Environment and Waste Management Office-Antipolo, na mag-i-isyu sila ng notice ng violation sa nasabing crematorium.

Ayon kay Jun Bumanglag, Crematory Supervisor ng crematorium, puro mga namatay sa COVID-19 ang kanilang mga kine-cremate.

Nakadagdag daw sa makapal at maitim na usok ang mga sinusunog din nilang unan at kumot ng kini-cremate na pasyente.

"'Pag nagki-cremate po kami hindi na po namin binubuksan 'yung cadaver para po sa safety ng mga cremator natin. Kaya siguro meron pong usok na lumabas," ani Bumanglag.

"Kung meron palang pagsusunog, kontrolado naman nila 'yung machine na nago-operate, but since na-COVID lahat ng pasyente na galing sa ospital for cremation, mukhang hindi natatanggal 'yung mga damit, unan, kung anu-ano man 'yan, which is 'yun po 'yung magdadagdag para magkaroon ng maitim na usok," sabi naman ni Faiyaz.

Pagmumultahin ng P5,000 ng lokal na pamahalaan bilang paunang penalty ang establisyimento. Sinabi rin ng city hall na araw-araw nilang ipamo-monitor ang kanilang operasyon.

Posibleng ipasara ang crematorium sakaling sumablay sa sumunod sa polisya. —Jamil Santos/KBK, GMA News