Isang bangkay ng babae ang natagpuan sa talahiban sa Cavite City. Ang biktima, tadtad ng saksak sa leeg at walang saplot pang-ibaba.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Argeline Sanchez.

Naaresto naman ng mga awtoridad sa follow-up operation ang dalawang suspek na sina Bernardin Suazo at Loreto Quillo.

Nakita ang bangkay ni Sanchez sa isang talahiban sa likod ng palengke ng Cavite City na may saksak sa leeg na hindi bababa sa 20 at walang saplot pang-ibaba.

Isang saksi naman ang nagsumbong na nakita umano niya sina Suazo at Quillo na kasagutan ang biktima bago nakitang patay.

Ayon sa mga awtoridad, inamin umano ni Quillo ang krimen at lasing umano siya nang patayin niya si Sanchez.

Samantala, inamin umano ni Suazo na ginahasa niya ang biktima.

Nawalan daw ang pera ng isa sa mga suspek at si Sanchez ang pinaghinalaan ng dalawa.

Sasampahan ng kaukulang kaso ang dalawa at isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima.--FRJ, GMA News