Bangkay na ng matagpuan noong Huwebes ang  dalawang bata sa Barangay Ilayang Bukal, Tayabas City, Quezon matapos silang tangayin ng rumaragasang tubig sa ilog noong Miyerkules ng hapon.

Ayon report ng Tayabas City Police Station, tumawid ang limang magkakaibigan sa ilog dakong 4:30 ng hapon upang ihatid sa bentahan ang mga napitas nilang kalamansi.

Photo courtesy: Tayabas City LGU
Photos courtesy of Tayabas City LGU

Habang tumatawid ang mga bata, bigla umanong lumaki ang tubig dahil sa posibleng pag-ulan sa bundok.

Apat sa limang magkakasama ang tinangay ng agos at nakakapit sa puno ang isa.

 

Habang tinatangay ng baha, nagpilit naman umano na makalangoy papunta sa tabi dalawang bata.

Nagtamo sila ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan dahil sa pagtama sa mga bato at kawayan.

Hindi naman pinalad ang dalawa pang bata na kinilalang sina Irish Deraman, 13, at Derick Cervantes, 9.

Wala nang buhay ng matagpuan ng mga rescuer noong Huwebes ng umaga si Irish, habang pasado ala-una ng hapon na nakuha ang katawan ni Derick. —LBG, GMA News