Pumanaw na matapos na maging kritikal ang kalagayan ng isang dalawang-taong-gulang na lalaki sa Aurora matapos tamaan ng "boga" sa ulo na hinihinalang naiputok ng kalaro.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Ezequiel Ramirez.

Ayon sa ina ng bata, nakita na lang niya ang anak na may dugo sa noo at nanghihina na.

Hinala ng ina, nabaril ng kalaro ng boga ang kaniyang anak.

Isinugod ang bata sa isang ospital sa Aurora at kinalaunan ay inilipat sa isang mas malaking pagamutan sa Nueva Ecija.

Pero hindi raw maoperhan ang bata dahil sa walang sapat na pera ang kaniyang pamilya kaya humihingi sila ngayon ng tulong.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules ng gabi, sinabing binawian na ng buhay ang bata.

Hindi pa umano makapagpasya ang ina ng biktima kung magsasampa siya ng reklamo kaugnay sa nangyari sa kaniyang anak.--FRJ, GMA News