Patay ang isang rape suspect matapos umanong manlaban habang nasa loob ng presinto sa General Santos City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.

Nang-agaw daw ng baril ng pulis ang suspek na si Merston Mocodompis, na dinakip matapos ireklamo ng panghahalay sa isang 6-anyos na bata.

Inagaw daw ni Merston ang baril ng pulis nang kukuhanan na siya ng mugshot at biglang nagpaputok, dahilan para gumanti ng putok ang mga pulis.

Dead on arrival sa ospital ang suspek.

Hindi naman naniniwala ang pamilya ni Merston na nanggahasa ito at nanlaban kaya napatay ng mga pulis. Nananawagan sila ng hustisya. —KBK, GMA News