Nakaranas ng malakas na ulan ang ilang bahagi ng Makilala, Cotabato, na sinabayan din ng pag-ulan ng yelo, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Nagtumbahan ang ilang stall sa palengke at nagkalat ang mga gulay at prutas.

Isang ilog naman ay umapaw sa mataas na bahagi ng palengke at inabot ang balkonahe ng isang bahay.

Binaha rin ang covered court ng Makilala National High School.

Halos dalawang oras namang stranded ang ilang motorista sa sentro ng bayan, at tumigil sa pasada ang ilang tricycle driver.

Binaha rin ang isang bahagi ng national highway.

Ayon sa PAGASA, dulot ng thunderstorm ang pag-ulan sa lugar. --KBK, GMA News