Dalawang lalaki ang inaresto matapos umanong pagtulungan nilang halayin ang isa nilang kaibigan na lalaki rin sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing 26-anyos ang biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na inaya umano ng dalawang suspek ang biktima na makipag-inuman sa kanila.

Ginawa raw ang inuman sa bahay ng isa sa mga suspek.

Pero nang matutulog na, doon na raw puwersahang pinagsamantalahan ng dalawa ang biktima at ginawan ng kalaswaan.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Police Leutenant Jun Wacnag, hepe ng Mangaldan Police Station, kaagad na inaresto ang dalawang suspek nang magsumbong ang biktima sa kanila.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek pero itinanggi nila ang paratang.

Desidido naman ang biktima na ituloy ang reklamo sa dalawa niyang kaibigan.-- FRJ, GMA News