Isang Grade 8 student ang nasawi matapos na bugbugin at saksakin ng hindi umano bababa sa 10 katao sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Kenny Fernandez, 14-anyos, ng Barangay Embarcadero sa Mangaldan.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na pauwi na ang biktima galing sa computer shop para tapusin ang module nang yayain siya ng kaibigan na uminom ng alak.

Matapos na uminom, uuwi na ang biktima nang harangin naman ng grupo ng kalalakihan at doon na binugbog at sinaksak sa dibdib na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Tatlong suspek ang inaresto, kabilang ang isang menor de edad.

Kinilala ang dalawang suspek na nakakulong ngayon sa presinto na sina Jericho delos Reyes at Alvin Gatinga.

Umamin si Delos Reyes sa krimen at sinabi nito na hindi niya sinasadyang saksakin ang biktima.

Inihayag naman ni Gatinga na nakursunadahan lang ang biktima.

Ang mga magulang biktima, labis ang sama ng loob sa sinapit ng anak.

"Hindi ko po matanggap. Masakit ang ginawa nila sa anak ko," umiiyak na sabi ng ama na si Jonas Fernandez.

Nais naman ng ina ng biktima na mahuli ang lahat ng sangkot sa nangyaring krimen sa kaniyang anak.

Ayon sa pulisya, inaalam pa nila ang partisipasyon ng iba pang lalaking sinasabing kasamang bumugbog sa biktima.--FRJ, GMA News