Patay matapos daw manlaban sa otoridad ang dalawang lalaking suspek sa pagtangay ng isang motorsiklo sa Calauan, Laguna, ayon sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Huwebes.

Nakunan pa ng CCTV kung paano tinutukan ng baril ng dalawa ang isang rider bago tangayin ang kaniyang motor.

Agad na nagsumbong sa mga pulis ang rider, dahilan para magsagawa ang mga ito ng operasyon at matunton ang hideout ng mga suspek.

Nauwi sa barilan ang operasyon nang paputukan ng mga suspek ang mga pulis.

Patay ang dalawang suspek na wala pang pagkakakilanlan habang tinamaan naman sa paa ang isang pulis na agad namang nadala sa ospital.

Na-recover naman ang motor ng biktima. —KBK, GMA News