Inaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay at panghahalay sa isang Grade 7 na estudyante sa Quezon.

Ang suspek ay nakilala bilang si Artemio Mendeja, 66, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Ayon sa dalawang testigo, nakita nila ang suspek malapit sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktima.

May mga kalmot sa braso at binti umano ang suspek, na maaaring dulot ng panlalaban umano ng biktima.

May bakas din daw umano ng dugo sa jogging pants ng suspek. 

Wala pang pahayag ang suspek.

Maghahanap lang daw ng cellphone signal ang biktimang si Vheanne Banico, 12-anyos, nitong Biyernes para sa kanyang online class sa Narciso, Quezon nang magpaalam ito sa kanyang lolong si Mang Vicente Banico.

Natagpuan ang kanyang bangkay sa masukal na bahagi ng Barangay Punta na may sugat sa leeg at wala nang saplot. —KG, GMA News