Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at nasawi ang isang 21-anyos na rider sa Pasuquin, Ilocos Norte matapos siyang maaksidente dahil sa pag-iwas sa tumawid na aso.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si John Raymart Aguinaldo, na kaagad nasawi sa aksidente.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing mabilis na binabagtas ni Aguinaldo ang highway sa Barangay Davila nang may biglang tumawid na aso.

Iniwasan ng biktima ang aso pero nawalan siya ng kontrol sa manibela ng motorsiklo kaya bumangga sa bakod ng isang bahay.

Sa lakas ng pagkakabangga, nabasag ang helmet ng biktima at nagtamo ng matinding sugat sa ulo.

Wala pang pahayag ang mga kamag-anak ng biktima at may-ari ng aso.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang mga residente na itali ang kanilang mga aso upang hindi makadisgrasya.--FRJ, GMA News