Apat katao ang nasawi nang magsalpukan at masunog ang dalawang wing van truck sa Negros Occidental.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing inabutan ng mga rumespondeng bumbero na nagliliyab na ang dalawang sasakyan sa Valladolid, Negros Occideltal.

Ayon sa pulisya, posibleng may tinamaan na tangke ng langis sa dalawang sasakyan na nagdulot ng pagliyab.

Dahil sa laki ng apoy, hindi na nagawang mailigtas pa ang apat katao na mga driver at pahinante ng dalawang van na naipit sa kani-kanilang sasakyan.

Samantala, isang bus naman ang nagliyab sa Lagonoy, Camarines Sur nang aksidenteng sumabit sa kable ng kuryente.

Masuwerteng walang nasaktan sa naturang insidente.--FRJ, GMA News