Tatlo ang namatay matapos tumagilid ang isang truck sa Teresa, Rizal, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang paliko ang truck sa pakurbang bahagi ng kalsada nang bigla itong tumagilid at mapunta sa kabilang lane.

Ayon sa kapitan ng barangay, nadaganan nito ang kasalubong na motorisklo, habang ang isa pang kasalubong na motorsiklo ay bumangga naman sa truck. Kapwa patay ang mga rider.

Namatay din ang driver ng truck matapos tumalon at mabagok ang ulo.

Ayon sa isang saksi, mabilis ang truck na may kargang buhangin.

Nanawagan naman ang kapitan ng barangay na maglagay ng karatula at checkpoint sa lugar dahil marami na raw naaaksidente rito. —KBK, GMA News