Nasawi ang dalawang pahinante at nadamay pa ang isang nagbibisikleta matapos na magsalpukan ang dalawang truck sa Camalig, Albay.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing unang bumangga at sumampa sa center island ang isang truck, saka ito dumiretso sa isa pang truck na nasa kabilang lane.

Nasagi rin sa salpukan ng mga truck ang isang lalaking siklista na nakaligtas.

ADVERTISEMENT

Tumagilid ang dalawang sasakyan at namatay ang dalawang pahinante matapos maipit.

Samantala sa bayan naman ng Santo Domingo, patay ang isang babaeng pasahero ng tricycle matapos sumalpok ang sasakyan sa SUV.

Basag ang windshield ng tricycle at nawalan ng malay ang driver sa impact.

Dead on arrival sa pagamutan ang biktima habang sugatan din ang iba pang sakay ng tricycle.

Ayon sa imbestigasyon, sinubukan ng tricycle na mag-overtake pero bumangga ito sa SUV.

Sa La Esperanza, Tulunan, Cotabato naman, sumemplang ang isang motorsiklo matapos nitong magtangkang mag-overtake sa isang traktora na banayad lang ang takbo.

Makalipas ang ilang saglit, isang motor din ang sumemplang.

Sugatan ang apat na sakay ng dalawang motor, na agad itinakbo sa ospital.--Jamil Santos/FRJ, GMA News