Bukod sa pagkalunod sa ilog na hanggang bewang lang ang tubig, hinihinala ng pamilya ng nasawing binatilyo na maaaring natuklaw din siya ng ahas sa Sual, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing may kapansanan din sa pag-iisip ang biktimang si Benjie Nerona.

Ayon kay Liza na ina ni Benjie, nakatulog ang nagbabantay sa anak at mag-isang nagpunta sa ilog ang biktima.

Doon na nakita sa ilog ang bangkay ng biktima.

Pero sabi ni Liza, may nakita ring apat na tila tuklaw sa itaas ng labi ng anak na maaaring dahilan ng kaniyang pagkalunod.

Hinala naman ng mga awtoridad, maaaring nadulas ang biktima at dahil na rin sa kapansanan sa pag-iisip ay nahirapan nang makaahon sa hanggang bewang na tubig.

Wala namang nais sisihin ang pamilya sa nangyaring trahediya sa binatilyo.--FRJ, GMA News