Patay ang isang construction worker sa Pasuquin, Ilocos Norte matapos pagtatagain at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Iniulat sa "Unang Balita" nitong Miyerkules na galing sa inuman at pauwi na sana si Roderick Castillo sakay ng motorsiklo nang harangin umano ito ng 'di nakikilalang salarin.

Pinagtataga ng suspek si Castillo, na naputulan pa ang isang daliri, at pagkatapos ay pinagbabaril ito hanggang sa mamatay.

Ayon sa kanyang asawa, wala siyang alam na banta sa buhay ng biktima.

Pero, base sa record ng mga pulis, may dalawang kasong kinasasangkutan si Castillo na kasama sa mga anggulong tinitingnan sa imbertigasyon. —LBG, GMA News