Isang batang lalaking anim na taong gulang ang nakitang patay na at may mga tama ng saksak sa Toril, Davao City nitong Huwebes ng gabi.

Nakita ng kanyang tiyuhin sa tabi ng isang sapa ang bangkay ng bata dakong 6:40 p.m., ayon sa ulat ni Super Radyo Davao reporter John Ryan Calonia sa Dobol B TV nitong Sabado.

Ayon sa pulisya, nagpaalam ang biktima bandang alas-kuwatro ng hapon na maliligo sa ulan subalit hindi na ito nakauwi.

Bukod sa mga sugat dahil sa pananaksak, mayroon ding sugat sa ulo ang biktima na pinaniniwalaang dulot ng pagpukpok gamit ang isang bato.

May person of interest na ang pulisya sa krimen na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. —KG, GMA News