Kalunos-lunos ang sinapit ng isang magtiyuhin matapos silang pagtatagain ng mga nakamotor na kanilang sinita sa Poblacion, Bulacan.

Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Bulacan, nagtamo ng mga malalalim na sugat sa ulo, likod, tiyan at mga braso ang 41-anyos na lalaki at 25-anyos niyang pamangkin matapos silang lusubin umano ng mga suspek sa kanilang bahay.

Ayon sa mga saksi, nag-ugat ang pag-atake matapos na pagsabihan ng mga biktima ang mga suspek na magdahan-dahan sa pagmomotor sa harap ng kanilang bahay dahil may mga bata.

Matapos ang pagtatalo, bumalik ang mga suspek at pinagtataga na ang mga biktima.

Kinailangang ilipat ang mga biktima sa mas malaking pagamutan dahil sa lalim at komplikasyon ng kanilang mga sugat.

Patuloy ang imbestigasyon ng barangay at pulis sa insidente. —LBG, GMA News