Patay na nang matagpuan ang isang 17-anyos na babae sa isang bakanteng lote sa Mexico, Pampanga. Ang biktima, hinihinalang pinagsamantalahan din.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Sandra Culcul, residente ng Barangay Pandacaqui.

Nakita ang bangkay ng biktima sa bakanteng lote sa Barangay Tangle.

May sugat siya sa ulo at iba pang parte ng katawan, walang saplot pang-ibaba at nakataas ang damit sa dibdib.

Ayon sa kaanak ng biktima, may nakakita sa lugar na maraming langaw at nang sundan kung saan ito nanggagaling doon na nakita ang katawan ni Culcul.

Kuwento ng mga kaanak, may binili lang daw ang biktima pero hindi na nakauwi pa.

Sinabi naman ng pulisya na pinukpok ng matigas na bagay sa ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Tatlong lalaki naman ang inaresto ng mga awtoridad at sinampahan ng reklamong murder.

Ipinaliwanag ng pulisya na hindi pa nila naisama ang reklamong rape dahil hindi pa lumalabas ang resulta ng autopsy sa biktima.

Hindi naman pumayag ang pulisya na makapanayam pa ang mga suspek.--FRJ, GMA News