Nasawi ang isang 31-anyos na lalaki sa Alcala, Pangasinan matapos siyang barilin ng mga lalaking nakaalitan daw dahil sa sugal sa isang lamayan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Mark Gilbert Arid, na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Isa sa apat na suspek ang nadakip naman sa Asingan, Pangasinan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na bago ang pamamaril, nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang dalawang grupo dahil sa hinala na nagkaroon ng dayaan sa sugal.

Pero giit ng ina ng biktima, walang kasalanan ang kaniyang anak at nadamay lang sa naturang pagtatalo sa sugal.

Sa isinagawang operasyon ng pulisya, nadakip ang isang suspek na si Roberto Olinares, na nakuhanan ng isang kalibre .45 na baril.

Pero depensa ng suspek, ipinasa lang umano sa kaniya ang baril.

Sa Cabiao, Nueva Ecija, pinagbabaril at namatay sa loob ng sasakyan ang isang negosyante.

Batay sa nakuhang ID sa biktima, mayroon itong pangalan na Albert Estonido, at taga-Mabalacad, Pampanga.

Nakatakas naman ang salarin na sakay ng motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.--FRJ, GMA News