Sugatan ang drayber at pahinante ng L-300 van nang maipitan sa pagitan ng dalawang trak ang kaniyang sasakyan sa Maharlika Highway sa Gumaca, Quezon habang nakatigil sa checkpoint.

Ayon sa Gumaca Municipal Police Station, dakong 8:30 am kanina nangyari ang insidente.

Nakahinto umano sa checkpoint ang van at nasa unahan nito ang isang truck. Pero bigla na lang sumalpok ang isa pang trak sa likuran ng van at bumangga ang van sa trak na nasa unahan niya.

Nagtulong-tulong ang mga tao sa lugar na kunin ang naipit na driver at pahinante ng van.

Dahil sa tindi ng pagkakaipit ng dalawa, tumagal ng dalawang oras bago sila nakuha sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office ng  Gumaca.

Isinugod sa ospital ang mga biktima at malubha ang tinamong pinsala ng drayber.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyaring insidente.--Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA News