BORACAY ISLAND, Malay Aklan —Binuksan na muli ang isla ng Boracay para sa mga turistang manggagaling sa National Capital Region at mga karatig-probinsya ng Laguna, Rizal, Cavite, at Bulacan o NCR Plus.

Kasunod ito sa pagtanggal sa travel ban ng Inter Agency for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga manggagaling sa mga nasabing lugar patungo sa island resort.

ADVERTISEMENT

Kasabay nito, binuksan din ng Philippine Red Cross-Aklan ang kanilang COVID-19 saliva testing centers sa bayan ng Kalibo para sa mga mag bibiyahe patungong ibang probinsiya at maging sa mga turistang galing sa karatig lalawigan ng Aklan katulad ng Iloilo, Roxas, Guimaras, at Antique.

Pahayag ni Mary Joe Galeon, chapter head administrator ng Philippine Red Cross-Kalibo, mismong si PRC chairman at Senador Richard Gordon ang nagsulong para magkaroon ng sariling saliva testing center sa naturang bayan ang kanilang opisina.

Dagdag ni Galleon, tuwing Huwebes lang operational ang Kalibo saliva testing center, mula ala-una hangang alas-tres ng hapon.

Ipapadala ang sample sa molecular laboratory ng PRC sa Iloilo na magpo-proseso ng specimen, at posible umanong malaman ang resulta ng test sa loob ng isa o dalawang araw. —LBG, GMA News