Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na may problema umano sa pag-iisip matapos na barilin sa tiyan ang isang batang babae na walong-taong-gulang at tinaga naman ang lolo ng biktima sa Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing sumugod ang suspek sa bahay ng mga biktima na kaniyang ka-barangay sa Salcedo, Ilocos Sur.

Una raw tinutukan ng baril ng suspek ang ama ng batang biktima pero nakatakbo ang ama.

ADVERTISEMENT

Ngunit hindi alam ng ama na nandoon ang kaniyang anak na pinagbalingan ng suspek at binaril sa sikmura.

Sumaklolo naman ang lolo ng bata at tinangka niyang agawin ang baril ng suspek pero tinaga siya sa balikat.

Hindi nagtagal ay tumakas na ang suspek.

Nakalabas na ng ospital ang lolo habang inoperahan naman ang kaniyang apo na kritikal pa rin ang lagay dahil sa tinamong tama ng bala.

Ayon sa ina ng bata, under observation pa rin ang kaniyang anak dahil sa apat na butas na tinamo sa bituka.

Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang nakatakas na suspek.--FRJ, GMA News