Wasak ang isang mini-van matapos masangkot sa banggaan sa Paniqui, Tarlac. Ang tatlong magkakamag-anak na sakay nito, nasawi.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, nahuli-cam ang naturang banggaan na kinasangkutan ng isang truck, Starex van at ang mini van sa highway na bahagi ng Barangy Samput.

ADVERTISEMENT

Wasak ang mini-van na sinasakyan ng nasawing magkakamag-anak na sina Fernando Navarro, 51-anyos, Jovito Dela Cruz, 55, at Vertilla Navarro, 70.

Nasugatan naman ang driver ng Starex van.

Ayon sa pulisya, makikita sa kuha ng video na maayos naman takbo ng mga sasakyan nang biglang lumihis ng linya ang mini-van at tumama sa Starex at sa truck.

Sinabi ng isang kaanak ng mga nasawi na papunta sana ang mga biktima sa Calasiao, Pangasinan para dalawin ang iba pa nilang kamag-anak.

"Uuwi daw sila sa Pangasinan para dalawin din yung kapatid. May possibility na sira yung sasakyan or driver's error. Yung pinsan ko rin kasi 'di siya totally okey sa pagmamaneho," ayon kay Jovicel dela Cruz, kaanak ng mga nasawi. --FRJ, GMA News