GUMACA, Quezon - Patay ang dalawang sakay ng isang AUV matapos nitong makabangga ang isang Elf truck nitong madaling araw ng Lunes sa Gumaca, Quezon.

Nakilala ang mga biktima na sina Romel Periabras at Howard Ojenal na parehong idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nagtamo naman ng bone fracture at head injury ang anim na iba pang sakay ng AUV kabilang ang driver nito.

ADVERTISEMENT

Sa kuha ng CCTV pasado alas-dos ng madaling araw, makikitang halos walang dumadaan sa isang intersection sa Gumaca.

Bigla na lang sumulpot mula sa magkaibang direksiyon ang isang Elf truck at isang AUV na parehong sobrang tulin ang takbo.

Nakita sa CCTV ang salpukan ng truck sa AUV. Tila lumipad ang AUV at humampas sa isang signage. Wasak na wasak ang AUV.

Minor injuries naman ang natamo ng driver ng Elf truck na nakilalang si Michael Angelo Lazaro ng Valenzuela City.

Ayon sa report ng Gumaca Municipal Police Station, patungo sana sa Bicol ang AUV habang patungo naman ang Elf truck sa Maynila. Accident-prone ang lugar nang pinangyarihan.

Sa mga oras na ito ay nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Gumaca Pulis upang matukoy kung sino ang may kasalanan sa aksidente. 

Dahil may namatay sa AUV, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to double homicide, multiple physical injuries and damage to property ang driver ng truck. —KG, GMA News