Sa kulungan ang bagsak ng isang vlogger matapos niyang mapatay sa pamamaril ang kaniyang pinsan dahil sa away umano nila sa lupa sa Bacoor, Cavite.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa video ang pag-aresto ng mga awtoridad sa 44-anyos na si George Budestin.

Nabawi rin kay Agustin ang baril na kaniyang ginamit sa pagpatay sa 66-anyos niyang pinsan na si Ernesto Rafael Budestin sa nasabing bayan.

Base sa salaysay ng pulisya, pinasok ng suspek ang bahay ng biktima na nanonood noon ng telebisyon, saka ito pinagbabaril.

ADVERTISEMENT

Nagtamo ng walong tama ng bala ang biktima bago tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.

"'Yung pagtayo ni tatay saktong dumating si George po. Tapos nagsalita na, nagmura po tapos nangingialam si tatay, tapos biglang nagpaputok ng baril," sabi ni Johnford Sabban Timajo, isang saksi.

Matapos ang insidente, nakatanggap ang pamilya ng biktima ng impormasyon na nagtatago sa isang subdivision ang suspek, dahilan para ito ay mahanap at maaresto.

Alitan sa titulo ng lupa ang isang tinitingnang motibo sa pagpatay, kung saan ninakaw umano ng biktima ang titulo at ibinigay sa kaniyang pangalawang pamilya.

Nang malaman ng suspek na sa iba na ipinangalan ang titulo, nagdilim na ang kaniyang paningin at sinugod ang biktima sa bahay nito.

Nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms dahil hindi lisensyado ang baril ni Budestin.

Naka-quarantine siya sa isolation facility ng lock-up cell ng Bacoor Police. Jamil Santos/DVM, GMA News