Nasawi ang isang rider ng motorsiklo nang magulungan siya ng truck na tinangka umano nitong unahan sa San Juan, La Union.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Godofredo Gaytos, 59-anyos, ng Barangay Aludaid.

ADVERTISEMENT

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binabagtas ng biktima ang San Juan-San Fernando Bypass Road sa bahagi ng Barangay Urbiztondo nang tangkain umano nitong mag-overtake sa isang dump truck.

Nasa kabilang linya na umano ang rider nang mapansin na may makakasalubong siyang sasakyan.

Nag-alangan at bumalik umano ang biktima sa dating linya at doon na siya nahagip ng truck.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang driver ng truck, na nakatakda umanong makipag-usap sa mga kaanak ng biktima.--FRJ, GMA News