Arestado ang isang tricycle driver matapos na gumawa umano ng kalaswaan sa harap ng isang batang babae sa Calumpit, Bulacan.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV noong Miyerkules ng gabi, ang lalaki na si Ryan Raymundo na pumasok sa terrace sa bahay ng biktima.

Ibinaba niya ang kaniyang salawal at tila may ginawang kahalayan.

ADVERTISEMENT

Maya-maya lang, tumakbo na papalayo si Raymundo habang itinataas ang kaniyang salawal matapos na magsisigaw ang bata.

Nadinig naman ng ama ng bata ang sigaw ng anak kaya lumabas siya at hinabol ang lalaki.

Tumalon umano si Raymundo sa kalapit na ilog pero naaresto rin siya kinalaunan ng mga barangay tanod at saka dinala sa pulisya.

Aminado si Raymundo sa kaniyang ginawa at humingi siya ng tawad sa biktima.

Inihahanda na umano ng pulisya ang reklamong isasampa laban kay Raymundo.--FRJ, GMA News