Nahuli-cam ang ginawang pagpalo, pagsuntok at pagsipa ng misis ng alkalde ng bayan ng Lala sa Lanao del Norte.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Lunes,  kinilala ang babae sa video na si Virginia Yap, misis ni Lala mayor Angel Yap.

ADVERTISEMENT

Makikita sa video na sinaktan ng ginang ang isang lalaking humaharang sa kaniya na buksan ang pinto ng isang nakaparadang sasakyan.

Nais daw kasi ng ginang na bumaba mula sa sasakyan si Atty. Saydama Barat, ang abogado na kumakatawan sa mga magsasaka na nais paalasin umano ng misis ng alkalde sa nabili nilang lupain.

Ayon kay Barat, nangyari ang insidente matapos ang pagpupulong nila sa provincial court.

Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig mula sa kampo ni Mayor Yap pero wala pa silang tugon, ayon sa ulat.— FRJ, GMA News