Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 29-anyos na rider na dumausdos matapos sumemplang at nabangga ng kasalubong na motorsiklo sa Bayambang, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV News nitong Martes, nakuhanan ng CCTV camera ang malagim na trahediya na nangyari sa maliit na kalsada ng Barangay Iton.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima nang madulas ang gulong ng motorsiklo nito sa mabuhanging parte ng kalsada.

Sumemplang ang biktima at dumausdos ng ilang metro at saka nasapul sa ulo ng isang paparating na motorsiklo.

Nagtamo umano ng matinding sugat sa ulo ang biktima.

Sa San Carlos City, Pangasinan, nahuli-cam naman ang dalawang bata sa gilid ng kalsada. Pero maya-maya lang, biglang tumawid ang maliit na bata at saktong may paparating na motorsiklo at nabundol ang paslit.

Nagtamo ng mga galos sa mukha at paa ang bata pero nakaligtas siya.

Pauwi na raw ang bata mula sa panangalakal nang mangyari ang insidente.--FRJ, GMA News