Viral ngayon sa social media ang talaga namang pampa-good vibes na pagsayaw ng traffic enforcer sa Quezon Avenue sa Lucena City.

Ayon sa kumuha ng video na si Mike Caballe, naka puwesto ang dancing traffic enforcer malapit sa kanyang pinagta-trabahuhan na tindahan ng appliances.

Mayroon daw silang sound system sa labas ng tindahan upang manghikayat ng customers.

ADVERTISEMENT

Nitong Miyekules daw ay nag-request ang traffic enforcer na si Mang Danny ng isang sikat na tugtugin sa Tiktok. Maya-maya pa ay todo hataw na sa pagta-trapiko si Mang Danny.

Video courtesy of Mike Caballe

Enjoy na enjoy daw ang mga nagdaraan sa lugar at karamihan sa mga naglalakad ay napapahinto pa upang panoorin ang dancing traffic enforcer.

Agad daw na kinunan ni Mike ng video si Mang Danny at ini-upload sa kanyang Facebook page.

Ayon pa kay Mike, madalas daw itong ginagawa ni Mang Danny sa kanyang trabaho na nagbibigay sa kanila ang kasiyahan. —LBG, GMA News