Isang 38-anyos na babae at isang lalaki na 18-anyos, ang nasawi nang pagbabarilin ng mga nakatakas na salarin ang sinasakyan nilang puting van sa Passi, Iloilo.

Sa ulat ni Darylle Marie Sarmiento sa GMA Regioanl TV News nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina Jennilyn Griño, taga-Iloilo City, at Jomar Fuentes, taga-Capiz.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa binti pero nakaligtas si Kenneth Dorado, 38-anyos. Hindi naman nasaktan ang driver ng van na si Jennifer Opina.

ADVERTISEMENT

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nirentahan ng mga biktima ang van. Galing sila sa Iloilo City at patungo sa Capiz nang maganap ang pananambang nitong Sabado ng hapon sa Barangay Aglalana sa Passi.

Isang  kotse umano ang nag-ovetake sa van at pinaputukan ang bahagi ng van kung saan nakapuwesto ang mga biktima.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na si Durado ang target ng mga salarin.

Dati na raw nakasuhan si Durado ng murder at frustrated murder, at nasangkot din sa ilegal droga.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.--FRJ, GMA News