Isang barangay kagawad na nagkukumpuni ng sasakyan ang nasawi matapos tagain sa San Manuel, Pangasinan. Sa bayan naman ng Infanta, isang dating kagawad naman ang pinagpapalo sa ulo.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na pinatay sa taga na si Inosencio Serdana, 63-anyos, kagawad sa Barangay Palaris sa bayan ng Asingan.

Nag-aayos noon ng owner-type jeep na sasakyan ang biktima sa Barangay Nagsaag sa San Manuel nang pagtatagain siya ng salarin.

ADVERTISEMENT

Naaresto naman ng awtoridad ang salarin na mayroon umanomg sakit sa pag-iisip.

Labis na nagdadalamhati ng mga kaanak ng biktima na inilarawan na mabait at maraming kaibigan.

Sa Barangay Bamban sa bayan ng Infanta, nakita naman sa bahay na wala nang buhay ang dating barangay kagawad na si Nicanor dela Cruz.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga pukpok sa ulo ang biktima na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Hindi pa tukoy kung sino ang salarin pero mayroon na umanong persons of interest ang mga pulis.--FRJ, GMA News