Apat na kritikal na pasyente ng COVID-19 sa Batanes ang inilipad papapunta sa Cagayan Valley para mas mabigyan ng atensiyong medikal. Samantala, maitala ang ikatlong pasyente na nasawi dahil sa komplikasyon dulot ng virus sa lalawigan.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing 56-anyos ang ikatlong pasyenteng nasawi na mula sa Basco.

Ang apat na kritikal na pasyente naman, nakaratay sa level 1 hospital na Batanes General Hospital at inilipat sa mas malaking Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao.

ADVERTISEMENT

"Hinikayat yung pamilya kung papayag na sila na madala sila doon sa Cagayan Valley Medical Center para kompleto yung pangangailangan nila," ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco.

Nasa mahigit 500 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan. Nananatili umanong problema ang quarantine facility sa Batanes kaya ginamit na rin sa quarantine ang eskwelahan, mga hotel at home stay.

Isa pang problema ang supply ng oxygen matapos masira ang planta sa lalawigan at manggagaling pa raw sa Maynila ang gagawa nito.

Samantala, dumating naman ang mga gamot para sa COVID-19 tulad ng Remdesivir.

"Binigyan na rin kami ng DOH ng compassionate permit para makabili kami ng mga gamot sa COVID-19. Kasi level 1 (hospital) lang kami, hindi kami basta-basta puwedeng bumili ng gamot sa COVID-19," paliwanag ni Cayco.

Simula sa Martes hanggang sa Oktubre 15, ilalagay sa modified enhanced community quarantine ang Batanes.

Ngunit mananatili pa ring kanselado ang inbound passengers flights at tanging ang cargo, emergency at humanitarial flights lang ang papayagan.--FRJ, GMA News