Duguan at wala ng buhay ang isang bading na natagpuan sa Barangay Pahinga Norte, Candelaria, Quezon pasado alas-sais ng umaga nitong Sabado.

Nakitaan ng tama ng bala ng baril ang katawan ng biktima.

Ayon sa report ng Candelaria Municipal Police Station, huling nakita ang 30-anyos na biktimang kinilalang si Zaldy Manlolo Custodio na kainuman ang dalawang kabataan sa barangay noong Biyernes ng gabi.

Photos courtesy of Candelaria Municipal Police Station

ADVERTISEMENT

Agad na inimbitahan ang dalawang kabataan sa presinto upang tanungin.

Isa ang kinilalang Mark Joseph sa dalawang kainuman ng bading. Inamin nito ang krimen.

Ayon sa suspek, ilang beses siyang hinipuan ng biktima. Makulit daw ito nang malasing na. Dahil hindi raw ito tumitigil sa panghihipo sa kanya, umalis umano siya at kumuha ng baril.

Pagbalik sa inuman ay isinama niya ang biktima sa masukal na parte ng barangay at doon na niya binaril.

Ang menor de edad na kasama ng suspek sa inuman ay magsisilbing witness sa krimen.

Hawak na ngayon ang Candelaria Municipal Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong murder. —LBG, GMA News