Isang mag-asawang parehong pulis ang hinangaan matapos nilang isoli nitong Huwebes ang isang bag na napulot nila na may lamang P20,000 cash.

Nakilala ang mga pulis na sina Police Corporal Chester Alibin mula sa Aurora Police Provincial Office at si Police Corporal Lynette Reynoso-Alibin na naka-assign sa Baler Police Station, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Noong Huwebes, bandang alas-dos ng hapon, natagpuan ng mga Alibin ang bag na naiwan ng may-ari sa Barangay Pingit sa Baler, Aurora.

Nang buksan nila ang bag, nakita nila ang wallet ng may-ari na may lamang P20,069 cash at ilang mga ID.

Agad nilang kinontak ang may-ari ng bag upang isoli ito.

Hinangaan naman ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar ang mag-asawa.

“Saludo ako sa mag-asawang pulis na ito na naging tapat at ginawa ang tama sa kabila ng hirap na dinaranas nating lahat ngayong pandemya. Sana ay tularan sila ng iba pa sa ating hanay,” ani Eleazar. —KG, GMA News