Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang 23-anyos na babae sa Bacolod City.  Naglalakad umano sa bahagi ng reclamation area ang biktima nang barilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ni Edrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Renalyn Mameng, na isa umanong commercial sex worker, ayon sa pulisya.

Ilang beses na raw inireklamo si Mameng ng kaniyang mga kliyente dahil sa pagnanakaw ng kanilang gamit.

ADVERTISEMENT

Karaniwang umanong mga driver at pahinante ng truck na bumibiyahe sa lugar ang kliyente ng biktima.

Ayon sa pulisya, sinabi ng mga kakilala ng biktima na may may naghahanap at ipinababalik na mga gamit.

Inihayag naman ng ama ng biktima na hindi niya alam ang ginagawa ng kaniyang anak.

Blangko pa ang mga awtoridad sa pagtukoy sa motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Wala rin umanong saksi nang mangyari ang insidente at walang CCTV camera sa lugar. --FRJ, GMA News