Tila ipinamalas ng isang pusa ang pakikidalamhati nang tumanggi umano itong umalis sa tabi ng kabaong ng yumaong sanggol ng kaniyang amo sa Asingan, Pangasinan.

Sa mga larawan ni Evelyn Tolosa Romero na ibinahagi sa GMA Regional TV Balitang Amianan, na nasa GMA News Feed, makikita na nakahiga sa tabi ng ataul ng namatay na sanggol ang pusang si Amorosa.

ADVERTISEMENT

"Nakahiga po siya sa tabi ng kabaong ng baby ko tapos sabi ko 'Huwag ka riyan Amorosa kasi baka makalmot mo 'yung ano ni baby,' sabi ko. Pero bumabalik pa rin siya," sabi ni Evelyn.

Inilahad ng isang eksperto na may kakayahan ang mga alagang hayop na madama rin ang emosyon ng kanilang amo.

"Kung ano 'yung mahal ng amo niya, kino-consider din niya na mahal niya, especially kapag nakikita niya sa isang pamilya na may anak, asawa siyempre kahit paano nakikita niya 'yun," ayon sa beterinaryong si Dr. Daisy Macaraeg. --Jamil Santos/FRJ, GMA News