Nasawi ang isang lalaking ahente na magde-deliver sana ng feeds matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Pulilan, Bulacan. Ang kaniyang driver, sugatan.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikitang nakahandusay at wala nang buhay ang biktima na kinilala bilang si Rico Payuyo.

Ayon sa driver ng biktima na si Fernando Flores, nakaupo sila ni Payuyo nang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.

ADVERTISEMENT

Bumaba ang angkas na suspek saka sila tatlong beses na pinaputukan.

Nasawi si Payuyo habang nadaplisan sa braso si Flores.

Bago ang pamamaril, magde-deliver pa sana ang dalawang biktima ng feeds sa Pandi.

Sinabi ng tauhan ng biktima na sa higit 20 taon na pag-a-ahente ni Payuyo, wala itong nakaalitan sa negosyo.

Blangko pa ang pulisya sa motibo sa krimen at patuloy ang kanilang imbestigasyon. — Jamil Santos/DVM, GMA News