Magkasama hanggang sa huli ang dalawang menor de edad na magkaibigan na nalunod sa isang ilog sa Tuguegarao City, Cagayan. Ang isa sa mga biktima, tumalon sa ilog nang makitang nalulunod ang kaniyang kaibigan na nais sana niyang sagipin.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina  Mark Anthony Tupil, 13-anyos,  at Vince Nino Nara, 12-anyos.

Ayon sa awtoridad,  nangunguha ng gagamba ang dalawang biktima, kasama ang isa pa nilang kaibigan, nang magkaayaan silang maligo sa ilog sa Barangay Bagay.

ADVERTISEMENT

Una umanong tumalon sa ilog si Tupil na inakala nilang mababaw lang ang tuig pero malalim pala.

Tinangka siyang sagipin ng kaibigan na si Nara pero siya man ay nalunod na rin.

Umuwi naman sa kanilang bahay ang isa pa nilang kaibigan para humingi ng saklolo.

Kaagad na nagsagawa ng search and rescue sa operation ang mga awtoridad pero hindi nila nakita ang mga biktima.

Bukod kasi sa malalim ang tubig sa bahagi ng ilog na pinagliguan ng mga biktima, malakas din umano ang agos ng tubig.

Pagkaraan ng dalawang araw, lumutang ang bangkay ni Tupil sa ilog sa bahagi pa rin ng Barangay Bagay, habang sa Brgy. Babayuan sa kabilang bayan na ng Amulong, na nakita ang katawan ni Nara. --FRJ, GMA News